Ang Sona ni P-Noy PDF Print E-mail
Written by Partido Lakas ng Masa   
Tuesday, 24 July 2012 13:48

Ang Sona ni P-Noy

Ni Sonny Melencio*

 

WALA NAMANG presidente na mag-uulat sa kanyang Sona na hindi kagila-gilalas ang kanyang accomplishment sa nagdaang taon. Kaya hindi kataka-taka na umuunlad na ang Pilipinas sa panahon ni P-Noy dahil walang tigil naman itong umunlad (nag-8% growth pa nga) noong panahon pa ni Gloria.

Ang binabantayan ng tao tuwing Sona ay kung paano mabibigyang-katwiran ng kung sinong nakaupo na matayog ang kanyang nagawa sa pwesto, kahit wala naman itong nagawa. Ito ang unang challenge ng Sona.

Ang ikalawang challenge ng Sona ay kung paano mapagkakaisa ang bitak-bitak na hanay ng mga trapo at elite. Parang Kaliwa rin sila – may RA, may RJ at iba’t iba pa. Kaya huwag na kayong mag-isip na ang Sona ay para sa masa. Huwag na kayong mag-isip na ang Batasan ay bukas para sa inyo dahil kung ipagpipilitan ninyo na pumasok doon, tiyak puputok ang inyong ulo sa hampas ng truncheon ng pulis.

Dito sa challenge na ito, kailangang bigyan ng pagkakataon na magpabonggahan ang kinatawan ng mga elite. Daigin pa ang red-carpet at fashion show sa Oscar. Dito darating nang maligayang-maligaya ang mga kinatawan ng elite, may bagyo man o wala, para masilayan ng bayan ang daan-daang libo nilang kasuotan.

At syempre, sa talumpati sa Sona, kailangang banggitin sila, hangga’t maaari isa-isa, para mapagtuunan ng TV camera ang bawat trapo, sa gitna ng palakpakan ng iba. At kung talagang mahusay kang presidente, dapat bigyan mo sila ng mga tip sa iyong speech kung paano mambobola o paano ipaliliwanag sa sarili nilang nasasakupan na maganda na pala ang buhay at may malaking hinaharap na ang Pilipinas. Dito ay magkakasundo kayo, kaya medyo hinay-hinay sa talumpati, at hintayin sa bawat paragraph ang required na palakpakan ng mga taga-Batasan.

Sa madaling sabi, tagumpay ang Sona ni P-Noy. Mission accomplished.

Para sa mga elite, winawarningan ko kayo: Ang sumusunod naman ay walang katuturang anekdota ng katotohanan sa likod ng Sona ni P-Noy.

Walang pagbabago, puro pambobola

Una, hindi ko alam kung sino talaga ang nagpauso ng Sona na napaka-micro. Kung saan, iniisa-isa lamang ang mga nagawa hanggang kaliit-liitan. Paraan ito para pagtakpan ang mga mahahalagang usapin sa bayan. Lalo na kung wala ka namang matinong vision ng pagbabago, o kabuuang plano ng pag-unlad ng bayan. Isa si GMA sa nagpasimula ng micro report sa Sona, noong tinawag niya ang tatlong bata na nagpaanod ng paper boat na naglalaman ng kanilang mga inaasam na regalo.

Sona 1st Part

Ang unang bahagi ng Sona ni P-Noy ay mga dasal, litanya ng mga homilies na nag-aangat sa kanyang sarili bilang tagapagtanggol ng naaapi.  Ang dahilan nito ay si Ninoy, at ang paghihirap na inabot ng kanyang pamilya sa panahon ng diktadura.

Pagkatapos nito ay ang litanya naman ng nakagawian nang sunud-sunod na banat sa administrasyon ni Gloria Arroyo. Akala ko tapos na ito, dahil dalawang taon na ang nakalipas. Hindi naman siguro dapat isisi ang anumang kapalpakan sa mga naganap sampung taon o dalawang taon na ang nakakalipas.

Micro-Report

Simple lang, ang layunin ng micro-report ay iwasan ang macro-report. Kaya, siyempre ang Sona ay litanya rin ng mga achievements, hindi ng Pangulo, kundi ng kanyang mga piling departamento, gaya ng Department of Health, Department of Science & Technology, DENR, TESDA, at iba’t iba pa. Kung ano ang pumapalibot na vision o plano sa mga ginagawang ito ng kanyang mga departamento ay si P-Noy lamang ang nakakaalam.

Kamangha-manghang pag-unlad

Ang ulat sa ekonomiya ang nagpamangha sa marami. Umunlad na pala ang GDP noong first quarter ng 2012 ng 6.4%, pinakamataas sa Southeast Asia.

Pero ang tanong dito ni dating Budget Secretary Benjamin Diokno ay ito: Kung ito ay totoo, bakit marami pa ring Pilipino ang walang trabaho, naghihirap at nagugutom? Ikalawa, sustainable ba ang growth na ito sa harap ng namumuong global recession?

Ilinaw muna natin na ito’y growth sa first quarter. Dahil kung pakikinggan ang International Monetary Fund (IMF), ang projected na GDP growth rate sa taong 2012 ay maglalaro lamang sa 4.8%. Mahalaga ito dahil ang GDP growth ay iniulat na pangunahing nanggaling sa government spending sa infrastructures. Ginawa ito para ituwid ang underspending dito ng gobyerno noong nakaraang taon. Idagdag na rin sa growth ang paglago ng service industries gaya ng BPO o mga call center.

Dedma sa ‘inclusive growth’

Nakalimutang banggitin ni P-Noy na matagal na niyang naipagmalaki na ang hinahabol niya ay hingit pa sa sustainable growth. Ito ang “inclusive growth,” isang pag-unlad na mabilis, nagpapalaki ng employment at nagpapababa ng kahirapan sa bansa. Sentrong layunin ito ng 6-Year Philippine Development Plan ni P-Noy. Pero sa Sona, dedma ang Pangulo dito.

Bakit? Sapagkat ang 6.4% growth ay hindi naman napakalaki, nakadududa kung sustainable, hindi nagpapalaki ng employment, at hindi rin nagpapababa ng kahirapan. Ito siguro ang dahilan kung bakit tinanggal ni P-Noy ang anumang reference sa “inclusive growth” at tinawag na lamang itong GDP growth.

Unemployment at poverty

Pero heto pa ang nakapagtataka: Sa mga sarbey ng SWS (Social Weather Stations), ang unemployment ay tumaas ng 34.4% (katumbas ng 13.8 milyon katao) noong first quarter ng 2012. Ayon din sa SWS, ang average unemployment rate sa ilalim ng dalawang taon ni P-Noy ay 26.8%, pinakamalaki kumpara sa average unemployment rate na 19.6% sa panahon ni GMA; 9.2% sa panahon ni Erap, at 10.3% kay FVR.

Dagdag pa, ang mga kaso ng kahirapan ay lomobo sa panahon ni P-Noy kumpara sa 43% noong panahon ni GMA. Sa first quarter ng 2012, 55% o 11.1 milyong pamilya sa bansa ang nagsabing sila ay mahirap, kumpara sa 45% (9.1 milyong pamilya) noong Disyembre 2011. Ito’y kahit na ibinuhos ni P-Noy ang bilyun-bilyong piso sa Conditional Cash Transfer program sa mahihirap na pamilya.

Ang incidence ng hunger (gutom) ay kagimbal-gimbal: sa first quarter ng 2012, 23.8% o 4.8 milyong pamilya ang nagsabing nakaranasa nila ng gutom. Pinakamataas ito sa kasaysayan, ayon sa SWS. Gayundin, naitalang 5.8% o 1.2 milyong pamilya naman ang dumanas ng severe hunger (sobrang gutom). Naalala ko ang balita na ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino ay maliliit at payat dahil sa malnutrisyon.

Sa harap ng ganitong mga statistics dapat suriin ang claim ni P-Noy na nakalikha siya ng halos 3.1 milyon na bagong trabaho sa dalawang taon niyang panunungkulan. Kung mayroong ganito, ano kayang mga trabaho ito? Ang lagi lamang niyang nababanggit ay mga Tesda-accredited jobs gaya ng mga barista, beauticians, cooks, caregivers, at iba pang katulad nito.

SWS vs LFS survey

Magkalinawan na rin kung bakit magkaibang-magkaiba o napakalayo ng survey results ng SWS sa Labor Force Survey (LFS) na ginagamit ng Department of Labor & Employment at ni P-Noy. Sa LFS, ang unemployment rate ay 7.2% lamang noong Abril 2011 na naging 6.9% lamang ngayong taon (34.4% naman sa SWS).

Nang lumabas ang SWS survey, nagkumahog si DOLE Secretary Baldoz na i-contest ito. Lagi raw mataas ang SWS survey dahil, ani Baldoz, magkaiba ang survey methodologies ng dalawa. Ang survey ng SWS ay may respondent coverage na 1,200 at sumasaklaw sa edad 18 pataas, habang ang LFS ay may respondent coverage na 51,000 households sa edad 15 pataas. Kung titingnan, dapat mas tumaas ang LFS survey sa unemployment dahil sakop nila ang edad mula 15-17.

Ang tunay na pagkakaiba ay hindi sa bilang ng sinarbey kundi sa methodology ng sarbey.  Sa SWS, dalawa ang criteria ng unemployment (ito ang matagal nang ginagamit kahit sa LFS survey noon). Ito ang criteria ng (1) walang trabaho, at (2) naghahanap ng trabaho. Sa LFS, idinagdag ang ikatlong criteria: (3) available para magtrabaho sa loob ng dalawang linggo pagkatapos ng interview. Dahil isinama sa LFS ang ikatlong criteria, marami ang nagsabi na kahit wala silang trabaho at naghahanap sila ng trabaho, hindi sila available sa mga susunod na linggo sa maraming dahilan. Natural lamang, dahil hindi naman pwedeng magpakagutom ang mga tao sa loob ng 2 linggong parating, kaya eekstra sila kung saan-saan, o kaya’y uuwi muna ng probinsya, at iba pa.

Ergo, hindi sila maisasama sa unemployed. Kaya mula nang ginamit ang ikatlong criteria sa pagsukat sa unemployment (ginawa noong 2005), bumaba na ang rate of unemployment sa kwenta ng gobyerno ng kung ilang antas.

E, ano kung nagugutom tayo?

Kung ihahanay ang mga istatistikang ito ng kahirapan, kagimbal-gimbal din ang pagyayabang ng Pangulo na kung dati tayo ang laging nangungutang, ngayon, tayo na ang nagpapautang. Tinutukoy dito ni P-Noy ang $1 bilyong dolyar na ipinautang ng kanyang gobyerno sa IMF para i-bail out ang mga bangko sa Europe.

Ipinagmalaki rin ni P-Noy na inireport ng isang Foreign Policy Magazine at isang pinuno ng ASEAN 100 na ang Pilipinas ay maaaring maging “Asia's Next Tiger." Hindi malinaw kung sino ang mga otoridad na ito, pero ang nakababahala, baka nauuto lamang ang Pangulo. (Kasama na ring nauto ang mga nagpalakpakan sa Batasan nang banggitin ito ni P-Noy.) Hindi ko na papatulan ito dahil hindi naman kilala sa Pilipinas ang pahayagang ito at hindi rin ipinakilala kung sino itong pinuno ng ASEAN na nang-uto sa kanya.

Ang pantawid-gutom

Ipinagmamalaki rin ni P-Noy ang programa niyang pantawid-gutom, ang Conditional Cash Transfer (CCT) o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.  Sabi niya, pangmatagalan ang impact ng proyektong ito.  Ang katotohanan, pangmadalian lang ang impact nito sa bulsa ng gobyerno dahil ito’y proyekto na pinondohan ng mga utang.

Nang inihahanda pa lamang ang CCT, sinunggaban na ni DSWD Secretary Dinky Soliman ang ipinapautang ng Asian Development Bank nang walang anumang proseso ng negosasyon. Kapapanalo pa lamang noon ni P-Noy sa eleksyon at mabango pa ang kanyang gobyerno. At dahil gusto ring magpakitang-gilas ng ADB na tumutulong sila sa poverty-reduction goals sa ilalim ng MDG (Millenium Development Goals), may posibilidad na makakuha pa tayo noon ng grant money o utang sa mababang interes. Kailangang imbestigahan ngayon kung anong nagtulak kay Soliman na ura-uradang sunggaban ang ADB loans sa commercial rate, o pinakamataas na interest rate nito.

Kaya kahit magkaroon man ng pagbaba ng poverty incidence dahil sa CCT ngayon, lolobong muli ito (nang higit-higit pa) kapag magbabayad na tayo ng mga utang. Sa isang salita, kukubain na naman ang bayan sa pagbabayad sa mataas na interest rate ng mga utang ng pamahalaan.

Paki-eksplika kung anong universal health care

Ipinagmalaki naman ni P-Noy sa larangan ng kalusugan ang PhilHealth program. Kaya, marami ang nagtanong, Hindi ba pagpapatuloy lamang ito ng proyekto ni GMA?  Well, may mga ‘good program’ naman siya, sabi nga ni Abad, katoto ni P-Noy. Pero ang nakababanas ay ito: tinawag ni P-Noy ang programang ito na kanyang Universal Health Program.

Naiintindihan kaya ni P-Noy na sa pamamagitan nito ay dini-degrade niya ang kahulugan ng universal health care program (UHC)? May UHC ang Vietnam, ang Malaysia, ang Thailand (sa isang panahon), ang Venezuela, ang Cuba, at matagal na rin ito sa mga ‘welfare state countries ‘ sa Europe. Universal ito sa dalawang kahulugan -- (1) lahat ng citizen ng bansa ay tatanggap nito, at (2) lahat o maraming klase ng sakit ay ipagagamot ng libre at lahat o maraming pangangailangan sa kalusugan (kasama ang gamot) ay sagot din ng gobyerno.

Ganito ba ang PhilHealth?

Ang PhilHealth ay isang insurance scheme na nagbabayad ang miyembro ng buwanang contribution (mula P100 monthly ay naging P200 na ito) para sa health o medical coverage na napakalimitado naman ng saklaw. Una, kailangan naka-confine ka para magamit ito. Ikalawa, napakaliit lamang na porsyento sa ward, laboratories at doctor’s fee ang sagot nito. Ikatlo, ang mga gamot ay hindi rin cover nito. Kaya kahit na-diagnose na ang sakit ng mahihirap, patay pa rin sila dahil hindi naman nila kayang bilhin ang medisina.

Ang sabi ni P-Noy, ang 5.2 milyong pinakamahihirap na pamilya ay tatanggap ng libreng PhilHealth card. Papasok lamang sila sa alinmang ospital ng gobyerno at ipakikita ang PhilHealth card ay gagamutin na sila at uuwi nang maginhawa nang walang ilalabas ni isang kusing.

Napakasarap pakinggan.

Pero dalawang punto lamang: una, ‘ospital ng gobyerno’. Kung ang patakaran ni P-Noy ay privatization ng mga ospital, ilang ospital ba ng gobyerno ang matitira para gamutin nang walang bayad ang pinakamahihirap na pamilya? Ikalawa, ‘walang ilalabas na isang kusing’. Kabilang ba dito ang mga gamot na sa Pilipinas ay napakamamahal dahil wala namang programa sa development ng local medicine ang gobyerno at nakaasa lamang tayo sa mga multinational drug companies. Maghunos-dili naman kayo, ginoong Pangulo, dahil parang panggogoyo na ‘ata ito sa mga tao.

Hindi na rin kailangang banggitin ang kapalaran ng mga nars na gustong ikalat ni P-Noy sa health program ng gobyerno. Kaya nagmamartsa ngayon ang mga nars ay inaabuso sila sa mga programang ito (napakaliit na kita, walang pasilidad, walang gamit na mga ospital, at iba pa) at walang kasiguruhan na sila’y gawing regular. Kung mainam ang programang ito, di sana’y hindi na kailangan pang mag-OFW ng ating mga narses (at doktor).

Sin Tax

Tungkol naman sa Sin Tax na itinutulak ni P-Noy na ipasa na ng Kongreso, ang dahilan nito ay para raw makakolekta ang gobyerno ng P33 bilyon kada taon na magagamit sa “universal health care” program ng gobyerno (Diyos por santo, hindi ko na uulitin. Tingnan na lang ulit ang binanggit ko sa itaas).

Wala naman sigurong tutol na may masamang epekto ang paninigarilyo at pag-inom ng alak (bagamat ginagawa rin ito ni P-Noy). Ang hindi matanggap ng marami ay tataas ang presyo ng sigarilyo, beer at hinebra na siya na lamang libangan ng marami, kabilang na ang mahihirap.

At dito magkakatalo, dahil ang Sin Tax ay hindi naman batas para i-educate ang lahat sa masamang epekto ng sigarilyo at alak. Batas ito na patataasin ang presyo ng mga lokal na sigarilyo, beer at hinebra, at magbibigay ng puwang sa mga imported na kompanya na makipag-kompitensya sa mga lokal, dahil halos magpapantay na ang kanilang presyo.  Bahagi ito ng liberalisasyon ng ekonomiya, at bonus lamang ang ‘penalty effect’ nito sa mga kumukonsumo ng sigarilyo at alak.

Napag-usapan na lamang ang Sin Tax sa sigarilyo. Kung ang hinahabol ni P-Noy ay P33 bilyon, bakit hindi habulin ang P250 bilyon na uncollected taxes kay Lucio Tan ng Fortune Tobacco para naman magkapera ang gobyerno? Bakit tumahimik na dito ang BIR? Dahil ba contributor si Lucio Tan sa campaign fund ng Pangulo noong eleksyon?

K+12 Program at education budget

Sa usapin ng edukasyon, dedma rin ang Sona sa K+12 program, kahit ito’y bahagi ng “inclusive growth” program ng Pangulo. Malamang tinanggal ito dahil hindi ito madepensahan ni P-Noy. Ill-advised kasi ang K+12.

Totoong kailangang itaas ang quality ng edukasyon ng mga kabataan, pero ang dalawang taon na dagdag sa pag-aaral ay hindi kayang balikatin ng mga magulang. Wala namang maayos na programa ang gobyerno para gawin ito. Syempre pa, kasama sa dagdag na gastos ang mga eskwelahan, classroom, textbook, at teacher sa 2 taong dagdag sa pag-aaral. Hindi ito kakayanin sa badyet na inilalaan ni P-Noy sa edukasyon.

Tinutuya rin ni P-Noy ang mga kabataan na nagrarali laban sa budget cut sa mga State Universities and Colleges (SUC) dahil hindi raw sila marunong ng simpleng math. Sa proposed budget sa 2013, totoong lumaki ang badyet sa SUC, pero hindi pa rin ito sapat. Hindi nga ito usapin ng budget cut, pero usapin pa rin ito ng insufficient funds para tugunan ang pangangailangan ng mga estudyante, guro at non-teaching personnel sa mga SUC. Sa halip na sila’y tuyain, dapat magpaliwanag sa kanila ang Pangulo kung anong makabuluhang reporma ang magagawa ng katiting na budget increase sa edukasyon.

Itigil na rin ng Pangulo ang isip-bata na pagtuya sa ating kabataan at isip-bata na retorika laban sa mga bumabatikos sa kanya. Punung-puno nito ang Sona ni P-Noy. Sinabi niya, sinong magsasabi sa isang bata, na binigyan ng sariling upuan at aklat, na "Ayaw kong makapag-aral ka." Sinong magsasabi sa isang mahirap na pumasok sa ospital para magpagamot na "Ayaw kong gumaling ka." Etc., etc. Ad hominem na argumento ito. Pa-emosyonal at walang kalohi-lohika. (Pero ang siste, masigabong palakpakan naman dito ang mga kongresista at senador, at mga alalay nila, sa Batasan.)

Ang tanong: sapat ba ang upuan at aklat para tiyaking makapagtapos ng pag-aaral ang nasabing bata? Sapat ba ang pagpasok sa ospital at pagpapagamot ng isang mahirap para siguradong siya ay gumaling (kung wala namang pambili ng mga gamot)? Alisin na ang retorika; at ang palakpakan ng mga hindi nag-iisip.

Public-Private Partnership

Syempre pa, isa ito sa highlight ng Sona ni P-Noy. Dahil ang kanyang job generation strategy ay pagtatayo ng imprastruktura sa pamamagitan ng public-private partnership o PPP. Ang PPP sa isang salita ay pagpapatuloy lamang ng privatization program ng gobyerno (mula pa sa mga nagdaang rehimen) na ang kaibhan lamang ngayon ay maglalaan ng kaunting suporta o sosyo ang gobyerno.  (Sa katotohanan, mas mapanganib ito dahil ang ultimong makikinabang ay mga pribadong korporasyon, pero ginagamit din ang pera ng gobyerno.)

Dito inisa-isa ni P-Noy ang mga nakatakdang PPP project ng gobyerno, mula sa airport terminal sa Caticlan, sa Panglao, sa Daraga, sa Misamis Oriental, sa NAIA at marami pang iba. Gayundin ang LRT sa Cavite at road project sa maraming lugar.

Ang pag-unlad na ito ay pakikinabangan una na ng mga private corporation na siyang magtatayo, magpapatakbo at kikita rito. Mahirap palakpakan ang mga ganitong proyekto dahil alam natin na pagkatapos nito, makikinabang lamang ang masa kung kaya nilang magbayad nang malaki sa mga pasilidad na ito. Parang NLEX at SLEX projects din ito na walang tigil ang pagtaas ng toll at may dagdag na VAT pa.

Bahagi ito ng problema natin sa neoliberal program ng gobyerno kung saan tinatanggal na ang serbisyo sa tao at ang lahat ay ginagawang negosyo. Kung ano ang gagawin sa daan (bakit noon ay hindi naman tayo nagbabayad sa paggamit sa daan?) ay siya ring gagawin sa mga ospital, paaralan, classroom, at lahat ng natitira pang pampublikong ari-arian ng bayan.

Human rights violations

Hindi tumutugma ang ipinagmamalaki ni P-Noy na pagbaba ng crime volume sa bansa sa nagpapatuloy na pagpatay sa  mga journalist, pari at environmentalist sa bansa. Isang kasamahan ni P-Noy ang nagsabi na hamak na kakaunti ang namamatay sa panahon ni P-Noy kumpara sa panahon ni Gloria. Hindi po ito tama. Si Gloria ay naghari ng 10 taon, si P-Noy ay 2 taon pa lamang, kaya syempre, mas kaunti ang mga biktima sa panahon ni P-Noy .

Pero ang punto ay bakit ito nananatili at walang nagagawa dito ang kanyang gobyerno. Umabot na sa 76 ang mga biktima ng extrajudicial killings, kabilang na sina Fr. Pops Tentorio at Dutch aid worker Wilhelm Geertman, at 10 ang missing (enforced disappearances) sa ilalim ng panunungkulan ni P-Noy. Kaya nagmamartsa pa sa kalsada ang mga human rights group na nagmamakaawa na gumawa naman siya ng paraan para ipatigil ito at hulihin sina Palparan at iba pang halimaw na tumakas sa kamay ng hustisya.

Panatag Shoal

Tama naman na ipaglaban natin ito sa tamang paraan, laluna sa mapayapang paraan. Pero ang magpagamit sa United States para suportahan ang kanilang programa ng ‘US pivot’ sa Asia para lamang palibutan ang China ay isang kahibangan. (Ang ‘pivot’ sa Asia ay ang iskema ng US na pagpapadala ng pinakamaraming tropa at warships sa Asia, kumpara sa ibang panig ng mundo.)

Ang pahayag na ito ni P-Noy ay paghahanda na ipa-aprub sa Kongreso ang isang Visiting Forces Agreement sa Australia na halos gaya rin ng VFA sa United States. Ngayon naman ay papapasukin na ang tropang Australiano sa Pilipinas. Ito ay pagsunod sa naisin ng US na i-militarize ang buong Asya sa tulong ng kanyang ‘junior military partner’ sa Australia.

Ang VFA agreement sa Australia (tinatawag na SoVFA o Status of Visiting Forces Agreement) ay pinirmahan na noong 2007 sa Canberra at nakatakdang ilusot sa Senado ngayong taon. Priority bill ito ni P-Noy dahil idinidikta ito ng kanyang tunay na Boss, ang United States.

Pagsusuma

Marami pang mga detalye sa micro-report na dapat busisiin. Pero iwan na natin ito sa iba’t ibang kilusan na may mga advocacy na hindi tumutugma sa mga inilahad sa Sona ni P-Noy (gaya halimbawa ng mga kilusang kababaihan na proponent ng RH bill na hindi maisulong ni P-Noy dahil sa kawalan niya ng political will; mga proponent ng alternatibong pagmimina na tumututol sa ilang bahagi ng kanyang bagong Executive Order; at iba pa.)

Pero kahit ipagpalagay na sinserong naniniwala si P-Noy sa integridad ng kanyang report, at wala ito ni katiting na pambobola, ang pangunahing problema nito ay ang framework o balangkas ng pagsukat sa accomplishment ng kanyang gobyerno.

Sa pinakabuod, ang balangkas ay neoliberal. Ang pag-unlad ay sinusukat sa pagsikad ng negosyo ng mayayaman at hindi ang kapakanang panlipunan o hustisya para sa masa. Ang kumikita halimbawa sa PPP, ang centerpiece program ni P-Noy ay ang malalapit na business associates ng Pangulo at ng kanyang administrasyon. Ayon sa Forbes Magazine, ang yaman ng top 40 Filipino billionaires ay umakyat sa $44.7 billion mula $34 billion (lamang) noong 2011. Kabilang sa mga bilyonaryong ito sina Henry Sy, Eduardo Cojuangco, Enrique Razon, David Consunji at Ramon Aboitiz, mga negosyanteng siya ring naka-korner sa maraming PPP projects.

Ang iniuulat ng Pangulo ay ang pag-unlad ng private sector initiatives at ang maaari nitong trickle-down effect sa masa. Wala sa balangkas ni P-Noy ang isang pag-unlad sa ilalim ng nationalist industrialization na may nangungunang papel ang pamahalaan. Nawala na ang ganitong klase ng nasyonalismo, kahit sa tinatawag ng iba na hanay ng “reforming national bourgeoisie.” Nawala na rin ang sentrong papel ng gobyerno para sa mabilis na industrialisasyon ng bansa. Ang papel ngayon ng gobyerno ay tiyakin na maglabas-masok ang malalaking kapital, at mas maganda kung dayuhan (dahil mas malaki ang kanilang kapital), para maambunan raw ng kaunlaran ang masa.

Kaya hindi kataka-taka na isyu na ulit ang Cha-cha. At walang matatag na pagtutol dito si P-Noy. Ang Cha-cha ang natural na kahinatnan ng isang neoliberal na iskema. Dahil paano bibigyan ng katwiran ang 100% foreign capital sa LRT, sa mining, at sa iba pang mga negosyo (na nagaganap pa), kung ang Konstitusyon ay nagtatakda lamang ng 60-40 na hatian, pabor sa kapitalistang Pilipino? Dispwes, baguhin ang Konstitusyon.

Si P-Noy ay nalagay sa gobyerno sa kapangyarihan ng yellow fever na sumambulat sa pagkamatay ng kanyang ina, na siya ring nagpundar ng kasaluyang Konstitusyon ng bansa. Hindi ako magtataka na bago matapos ang kanyang panunungkulan ay gagawa siya ng paraan na amyendahan ang Konstitusyon nang hindi niyuyurakan ang ala-ala ng kanyang ina.#

----------

*Si Sonny Melencio ay tagapangulo ng Partido Lakas ng Masa (PLM), isang partido na binubuo ng iba’t ibang marginalized sectors sa bansa, kabilang ang mga manggagawa, maralita, magsasaka, drivers, at iba pa. Ang kanilang Sona ng Masa sa kalsada ng Commowealth ay inatake ng mga pulis at itinaboy sila sa kalsada bago mag-Ever Gotesco at doon na lamang nagprograma.

 

Announcements

plm_poster_congress_copy


Join the Campaigns!

 

anti-trpo icon

Anti Trapo Campaign!

 

Government of the Masses Campaign! icon

Government of the Masses Campaign!


Socialist_Feminism_Cover
Renewing Socialist Feminism

 

Visitors Counter

mod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_counter
mod_vvisit_counterToday52
mod_vvisit_counterThis month19804

Your IP: 54.146.11.8
,
Today: Aug 21, 2017