PLM National Emergency Convention PDF Print E-mail
Written by Partido Lakas ng Masa   
Tuesday, 17 December 2013 10:46

Ang pagtitipong ito ay tinaguriang Extraordinary o Emergency Convention ng PLM. Hindi ito regular na Kongreso.

 

Hindi tayo boboto sa Konstitusyon o anumang bahagi ng programa o plataporma ng ating Partido. Hindi tayo maghahalal ng mga bagong pinuno ng ating Partido. Pupunuan lamang natin ang ilang kailangan at nabakanteng puwesto sa ating organisasyon, nang hindi tayo nagbabago ng pamunuan.

 

Bilang kombensyon, magbubukas tayo ng mahahalagang kampanya para sa susunod na taon. Sa pangunahin, dalawang kampanya: Electoral Campaign Strategy para sa 2016 at ang pagsusulong ng Bayanihang Sosyalismo.

 

 

Emergency Convention

 

Tinawag nating Emergency Convention ang pagtitipon na ito para idiin ang tunay na katayuan ng lipunan natin ngayon. Tayo ay nasa isang emergency.

 

1.  Emergency dahil sa antas ng pagkawasak ng klima at ng pagdadaan natin sa delubyo ng supertyphoon Yolanda. Ang pinsala ng bagyong Yolanda ay umubos ng buhay ng may 10,000 katao. Nagwasak din ito ng mga pananim, tahanan, at kabuhayan ng mahigit 3 milyong pamilya. Hanggang ngayon, hindi pa nakababangon ang ating mga kababayan sa Kabisayaan, sa Samar at Leyte at nakita ito ng ating sariling mga mata sa kung ilang beses na People’s Caravan na inilunsad natin para magdala ng relief materials sa mga nasalanta doon.

 

Emergency dahil nagsiuwi na ang mga nag-walkout na delegado ng iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas, sa climate negotiation conference sa Warsaw dahil walang pag-asang magkaroon ng mapagpasyang desisyon ang mga mauunlad na bayan, pangunahin ang United States, Australia, Europe at Japan, na aksyunan ang lumalalang climate change sa daigdig.

 

Emergency ito sa Pilipinas at sa buong mundo dahil sa walang habas na pagkawasak ng ekolohiya na kung hindi mapipigil ay tutungo sa pagkawasak ng mundo. At ang Pilipinas ay frontliner ngayon at sa mga susunod pang kalamidad na idudulot ng pagkawasak ng ekolohiya. Nasa balikat ng mamamayang Pilipino, kabilang ng mga progresibong grupo na gaya natin, na gawin ang lahat nang makakaya para iligtas ang bansa sa tiyak na mga kalamidad.

 

2.  Emergency din dahil habang ang Pilipinas ay nasa unahan ng magaganap na mga kalamidad, ang ating gobyerno, at ang buong estado sa Pilipinas ay nanatiling corrupt, inutil at walang silbi.

 

Nasa gitna ngayon ang gobyernong Noynoy Aquino ng pinakamalalang eskandalo sa gobyerno na nagwasak ng tiwala at pasensya ng tao. Sino pa ang naniniwala sa Senado, Kongreso, line agencies, at LGUS o lokal na gobyerno na pinagnakawan at patuloy na pinagnananakawan ang mamamayan sa pamamagitan ng pork barrel? Tandaan na si Janet Lim Napoles lamang ang nakakulong pero naghihintay ang buong bayan na ipakulong pa ang pinakamarami nating pulitiko kung maaari.

 

Ang kombinasyon ng pangungurakot na ito sa kalamidad na nagaganap ngayon ay super-tindi, super-pinsala, at super-kawalanghiyaan ng gobyerno sa mamamayan. Ang ninanakaw naman nila ngayon ay ang mga relief na dapat mapunta sa mga kababayan nating survivors ng bagyo.

 

Habang ang mamamayan ay lugmok na sa pangungurakot ng gobyerno at sa mga sunud-sunod na kalamidad, ang tugon ng gobyerno ay palsipikadong pagpapataw ng State of Emergency sa nasalantang mga lugar. Ang inutil na State of Emergency ay hindi nagawang ibaba kahit ang presyo ng mga bilihin doon (ang bottled water na nauubos na ay nagkakahalaga ng P30 kada maliit na botelya; ang langis ay mula P75 hanggang P300 bawat litro).

 

Kahit ang suporta ng mga kaibigang bansa ng gobyernong Aquino ay may halong pagwawalanghiya na rin. Nagbigay ng $1 bilyong dolyar na ‘relief aid’ ang mga dambuhalang financial institutions ng United States at Japan; ito pala ay mga pautang ito na may malalaking interes. Ang loan sharking na ito ng World Bank ($500 million loans) at ADB ($500 million din) ay tinatawag na budget loans. Sa isang salita, discretionary loans o pork  barrel na malayang gamitin ng gobyerno para pagkakawartahan na muli. Sama-sama silang makikinabang habang ang bayan ay durog sa kahirapan.

 

3.  Nasa Emergency situation din tayo dahil marami nang grupo ang hindi na makapagtitiis pa na manatili ang kaawa-awang kalagayan ng bansa sa ilalim ng walang-awang gobyerno. Ngayon pa lang ay pumuputok na ang balita ng mga nagpapakana ng bagong kudeta sa loob at labas ng gobyerno. Kailangan ang paghahanda ng lahat, at paghahanda ng mga progresibong pwersa na gaya natin, para ang mamamayan ay maisalba sa delubyong ito. Para ang mamamayan ang tumayo nang bagong gobyerno kapag naibagsak na ang nakatayong gobyerno ngayon.

 

At ano naman ang ginagawa ng mga imperyalistang bayan gaya ng Estados Unidos? Ginagamit ang kalamidad para suhayan ang ‘military basing’ ng Estados Unidos sa Pilipinas sa ilalim ng kanilang bagong doktrina ng Asian ‘pivot’ o paglulugar ng military sa buong Asya sa ilalim ng kompetisyon at labanang US at China. Ang pagbabase ng US army sa Guian, Eastern Samar – sa maskara ng relief campaign ng mga eroplano at sundalong US – ay patunay nito.

 

4. Nasa Emergency tayo dahil ang mga imperyalistang bayan gaya ng Estados Unidos, France at EU ay nagbabalak na i-escalate ang military presence sa Asya para palibutan ang China. Ang digmaan ay isang posibilidad sa lugar ng Asya, at ang Pilipinas na muli ay isa sa sona ng digmaang magaganap sa Asya.

 

Emergency Response ang Kailangan

 

Ang kalagayan ngayon ng Pilipinas at sa buong mundo ay nakababahala. Nararapat lamang na palakasin natin ang ating hanay para paghandaan ang mga delubyong politikal, ekonomikal at ekolohikal para ito ay pigilan.

 

Hinihingi ng PLM na itaas ng bawat isang kasapi ang antas ng komitment para sa pag-angkop sa mga delubyo at kalamidad at para sa paglaban sa pagtatayo ng bagong lipunang bayanihan, ang lipunang sosyalista. Bahagi nito ngayon ang pagpapanalo ng ating mga laban sa kalsada at sa halalan, papunta sa halalang 2016. Bahagi nito ang pagpapanibagong-buhay at pagpapanibagong bihis ng sosyalismo para maging katanggap-tanggap na alternatibang sistema ngayon.

 

Kailangan natin ang mas matinding sakripisyo na hindi pa nararasan at naibibigay ng bawat isa mula nang ating itayo ang ating partido. Kailangang taktakin sa pinakasaid ang kayang ibigay ng bawat isa sa kanyang komitment, tulong at talino para harapin ang Emergency Situation na ito. At sana ang Kombensyon na ito ay maghudyant ng libu-libo, daan-daang libo, at milyun-milyong pagpapalawak ng kasapian at balangay ng PLM sa iba’t ibang dako ng kapuluan. Sana kasihan tayo ng masa na maipagtagumpay ang laban na ito para sa malayang bukas. Siyanawa.

 

Sonny Melencio, Tagapangulo, PLM, Dec 8, 2013.


CLICK HERE TO VIEW MORE PHOTOS
1454754_492206277560960_1493034710_n
Last Updated on Tuesday, 17 December 2013 22:28
 

Announcements

plm_poster_congress_copy


Join the Campaigns!

 

anti-trpo icon

Anti Trapo Campaign!

 

Government of the Masses Campaign! icon

Government of the Masses Campaign!


Socialist_Feminism_Cover
Renewing Socialist Feminism

 

Visitors Counter

mod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_counter
mod_vvisit_counterToday170
mod_vvisit_counterThis month15172

Your IP: 54.90.159.192
,
Today: Dec 15, 2017