SONA JULY 27,2015 PDF Print E-mail
Written by Partido Lakas ng Masa   
Monday, 27 July 2015 21:20
11811416_805833829531535_4142723811344991388_n
11696016_805833789531539_2538593551244121769_n

Ang Huling Sona ni Pangulong Aquino

Ni Ka Sonny Melencio

 

Ito na ang huling Sona ni Pangulong Benigno Aquino III.  Pero hindi pa ito ang katapusan ng kanyang paghahari dahil kahit ang mga susunod sa kanya ngayong eleksyon ay nagsasabi na ipagpapatuloy nila ang ‘daang matuwid’ na programa ni PNoy.

 

Ano ba ang ‘daang matuwid’?

 

Ito ay islogan lamang ng anti-corruption, pero hindi pa rin totoong anti-corruption. Sapagkat ang naipakulong lamang ng rehimeng Aquino ay iilang mga nasa oposisyon at nakalalaya pa ang kanyang mga kabigan at kapartido na kawatan din.

 

Higit dito, kasama sa plataporma ng tuwid na daan ang tunay na nilalaman ng programa ni PNoy – ang neoliberal na patakaran ng privatization, liberalization, deregulation, regressive taxation, at contractualization.

 

Privatization ito ng lahat ng serbisyo na dapat ipinagkakaloob ng gobyerno. Matagal na itong nangyayari mula pa panahon ni Cory Aquino. Na-privatize na noon pa ang tubig, elektrisidad, at transportasyon. Ngayon naman, ipinagpapatuloy ni PNoy ang privatization pati sa mga ospital, eskwelahan, airports, tren, enerhiya o halos lahat-lahat na.

 

Ang serbisyo ng gobyerno sa tao ay ipinaubaya na ngayon sa pribadong sektor. Pero hindi lamang ganito. Sinuhayan ito ng gobyerno sa pamamagitan ng patakaran ng regressive taxation o ng VAT (value added tax), na ang kinokolektahan ng buwis ay hindi ang malalaking kompanya kundi ang maliliit na tao. Ang 12% VAT sa pagkain, sa elektrisidad, at sa halos lahat ng produkto -- na dating pansamantala lamang – ay ginawang permanente.

 

Kaya lahat tayo – nagbabayad man ng income tax o hindi – ay binubuwisan nang malaki, nang paulit-ulit, ng segu-segundo sa pamamagitan ng VAT!

 

At hindi lang nagkasya dito. Sinuhayan din ng gobyerno ang malalaking kompanya sa pamamagitan ng patakarang kontraktwalisasyon sa mga manggagawa. Noong 1996, idinaos sa Pilipinas ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) forum na nagpropaganda sa atin ng sinasabing globalisasyon. Sabi noon ng gobyerno ni Fidel Ramos, ito ay magdadala sa atin ng ginhawa.

 

Anong nangyari? Naipatupad ang malawakang kontraktwalisasyon kasabay ng privatisasyon, liberalisasyon, deregulasyon, at VAT.  Nagsara ang maraming pabrika. Nawalan ng trabaho ang halos milyon-milyong manggagawa. Naging urban poor, naging rural poor, naging paeksta-ekstra, at ang natirang nagtatrabaho sa mga kompanya ay naging contractual.

 

Ano na naman kayang pahirap ang hinaharap natin ngayon sa ikalawang pagbisita ng APEC Forum sa Pilipinas ngayong Nobyembre?

 

Ang pangunahing nagpatupad ng kontraktwalisasyon sa bansa ay ang mga malalaking kompanya – ang SM, ang San Miguel, ang mga
kompanya ni Henry Sy, ni Lucio Tan, ni Gokongwei, ng mga Ayalas, Aboitiz, Razon, at mga gaya nila.

 

Kaya sila-sila rin ang nakinabang sa neoliberal na patakaran ng gobyerno.

 

Ayon sa huling sarbey, nagtriple ang yaman ng 10 multibilyonaryong mga Pilipino – kung Pilipino man silang matatawag – gaya nina Henry Sy, Lucio Tan, Gokongwei, Ayala, at iba pa mula 2010 hanggang 2015. At ang 12 sa kanila ay napunta pa sa listahan ng pinakamayayamang tao sa daigdig.

 

Sa kabila nito ay ang 3 milyong unemployed, 10 milyon pag sinama mo ang underemployed. Pag pinagsama-sama mo na po ang lahat ng mahihirap na unemployed, underemployed, unpaid family workers, informal sectors, mahihirap na self-employed, ayon po sa isang sarbey, aabot tayo sa 89% ng populasyon.

 

Kailangan nating malaman na ang programang ito na nagpasara ng maraming maliliit na pabrika at nagpahirap sa milyun-milyong Pilipino ay ang  programa pa ring ipatutupad daw ng mga susunod kay PNoy na ngayon ay nag-aambisyong maging presidente.

 

Kaya hindi natin pinag-uusapan ang babasbasan lamang ni PNoy na tatakbong presidente – siya man ay si Roxas o si Grace Poe. Pinag-uusapan din natin ang lahat ng nag-aambisyon gaya nina Binay, Duterte, Marcos, at iba’t iba pa na ang programa, ayon din sa kanila, ay pagpapatuloy lamang ng programa ni PNoy (ang programa ng daang matuwid kuno).

 

Huwag na tayong magpaloko. Ang gobyerno ng mga elitista ay gobyernong salot sa mahihirap at sa bayan.

 

Ngayong eleksyon ang panawagan namin ay ipagpatuloy natin ang pagkilos laban sa political dynasty, laban sa pork barrel, laban sa kontraktwalisasyon, laban sa demolisyon, laban sa VAT, laban sa mataas na presyo ng bilihin, labas sa privatisasyon, laban sa liberalisasyon, laban sa deregulasyon, at laban sa gobyerno ng mga elitista.

 

Nagbubuo ang PLM ng alternative candidate slate na tatakbo sa eleksyon para isulong ang ating mga karaingan at gawing bahagi ng pakikibakang masa ang eleksyon sa 2016. Ipapahayag namin ito sa hinaharap at magtulung-tulong tayo para tiyakin na magkaroon tayo ng mga tunay na kinatawan ng masa sa Kongreso, sa ehekutibo, sa mga lokal na gobyerno, at sa mga barangay.

 

Magtulung-tulong tayo na ibagsak ang elitistang gobyerno at itayo ang tunay na gobyerno ng masa. Sa anumang pamamaraan – sa eleksyon at sa kalsada. At kung hindi pa rin makakamit dito – sa pamamagitan ng pag-aalsa, sa pamamagitan ng bagong rebolusyon na lilikha ng bagong pamahalaan ng masa. Isang pamahalaan na magpapatupad ng sosyalistang programa – ang pamamahagi ng yaman sa bawat tao sa lipunan nang walang pagtatangi, sa batayan man ng uri, ng angkan, at ng kasarian! #

 

Last Updated on Tuesday, 28 July 2015 11:15
 

Announcements

plm_poster_congress_copy


Join the Campaigns!

 

anti-trpo icon

Anti Trapo Campaign!

 

Government of the Masses Campaign! icon

Government of the Masses Campaign!


Socialist_Feminism_Cover
Renewing Socialist Feminism

 

Visitors Counter

mod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_counter
mod_vvisit_counterToday219
mod_vvisit_counterThis month19786

Your IP: 54.167.250.64
,
Today: Oct 24, 2017