Tagalog article on APEC & the Filipino Workers PDF Print E-mail
Written by Partido Lakas ng Masa   
Monday, 26 October 2015 20:54

ANG APEC AT ANG MANGGAGAWANG PILIPINO

Ni Sonny Melencio

 

1.  Noong 1996, nagpulong sa Pilipinas sa panahon ng administrasyon ni Fidel V. Ramos ang Asia-Pacific Cooperation o APEC. Si US President Bill Clinton ang isa sa mga dumalo na pinuno ng gobyerno sa mga bansang kabilang sa APEC. Ginanap ang APEC Leaders’ Summit sa Subic Freeport, Olongapo City.

 

2.  Maraming progresibong grupo ang nagsagawa ng protesta laban sa APEC at sa kinakatawan nitong neoliberal na globalisasyon. May dalawang alternatibang komperensya na inilunsad – isa ang SLAM APEC (Solidarity of Labor Movements Against APEC) na ginanap sa inabandonang pabrika ng Rubberworld sa Novalichez, Quezon City. Nilahukan ito ng mga unyon sa ilalim ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at mga kaalyado nito sa kilusang paggawa at iba pang sektor. Ang isa pang komperensya ay ang Manila People’s Forum na nilahukan naman ng NGOs at POs (people’s organizations) na tutol sa APEC at sa neoliberal na adyenda nito.

 

3.  Nanguna ang dalawang koalisyong ito sa isang mahabang protest caravan na tumahak mula  Manila hanggang Olongapo City. Hindi pinayagang lumapit ang caravan sa lugar ng APEC Summit.

 

4.  Ang propaganda ng gobyernong FVR sa APEC at sa binabandera nitong ‘globalisasyon’ ay lilikha raw ito ng maraming trabaho, magpapaunlad sa agrikultura at industriya, at sa gayo’y magpapasulong sa ekonomiya ng Pilipinas. Papasok din daw ang maraming dayuhang puhunan upang ang ekonomiya ng Pilipinas ay makalinya sa martsa ng ‘globalisasyon’ sa buong mundo.

 

5.  Sa Nobyember 18-21, 2015, muling gaganapin ang APEC Summit sa Pilipinas. Magsasamang muli ang iba’t ibang pinuno ng 21 kapitalistang bansa sa Asia-Pacific sa pangunguna ni US President Barack Obama. Ang mga bansa o ‘ekonomiyang’ kabilang sa APEC ay ang sumusunod: United States, Japan, Philippines, Malaysia, Indonesia, Thailand, Australia, Brunei, Singapore, South Korea, Canada, New Zealand, China, Mexico, Chile, Vietnam, Peru, Russia, Papua New Guinea, Hong Kong, at Taiwan.

 

6.  Matapos ang 19 na taon mula nang unang bumandera ang APEC sa Pilipinas, masasabi agad na hindi totoo ang pangakong ginhawa ng APEC at ng ‘globalisasyon’. Pero higit dito, dapat tingnan ang totoong naging papel ng APEC.

 

7.  Ang APEC ang nagtulak ng isang ekonomiya na nakabatay sa economic growth na pinakikinabangan lamang ng maliit na bilang ng mga asendero at kapitalista sa bansa. Isang economic growth na eksklusibo sa iilan at nagpapanatili ng malaking agwat ng yaman sa pagitan ng kakaunti at nakararami. Isang economic growth na posible lamang sa pamamagitan ng mas matinding pagsasamantala sa uring manggagawa at malawakang paglaspag sa natural na yaman ng Pilipinas.

 

Ang APEC, WTO at iba pang free trade agreements

 

1.  Ang APEC ay itinatag noong 1989 para paunlarin ang kalakalan at relasyong pang-ekonomiya ng mga bansa sa Pacific Rim (o mga nakapaligid sa Pacific Ocean). Isa lamang ito sa malapad na mga makinarya ng neoliberal trade regime na nais buuin ng United States sa pandaigdigang saklaw.

 

2.  Nakatutok ang APEC sa Asia-Pacific, isang malaking growth area ng ekonomiya ngayon sa daigdig. Sa gawing hilaga ng daigdig ay ang proyekto ng NAFTA (North American Free Trade Area) na nagnanais magtayo ng Free Trade Areas of the Americas para sa erya ng North America (US, Canada, Mexico), Central America at South America.

 

3.  Isa pang mahalagang proyekto ng US na kadikit ng APEC ang World Trade Organization (WTO) na magiging tila policeman ng kalakalan sa daigdig. Ang WTO ay isang global body na mangangasiwa at magmomonitor ng implementasyon ng neoliberal na kalakalan (tinatawag ding ‘free trade’) sa buong mundo.

 

4.  Ang proyekto ng APEC at WTO ay isinusulong ng pangunahing imperyalistang gobyerno ng US, kayat may pag-aalala dito kahit ang mauunlad na kapitalistang bayan sa Asia-Pacific. Ang gobyerno ng Japan halimbawa ay isa sa mga tumutol sa mandatory trade liberalization na hiningi ng US sa APEC Osama Summit noong 1995.

 

5.  Ang proyekto ng NAFTA sa Americas ay tinutulan din ng mga gobyerno sa Latin America sa pangunguna ng Venezuela, Brazil at Argentina noong 2003. Nakabalaho ngayon ang proyektong ito sa Americas.

 

6.  Gayundin ang sinapit ng proyekto ng WTO na tinutulan ng maraming ‘umuunlad’ (developing) na bansa.

 

  • Ang pagtutol ng mga umuunlad at di-mauunlad na bansa ay sinabayan ng higanteng protesta ng mga anti-globalization activist noong 1999 Seattle Ministerial meeting ng WTO kung saan nagbarikada sa kalsada ang 50,000 aktibista at matagumpay na napaurong ang ministerial meeting.
  • Sa 4th WTO Ministerial Summit sa Doha, Qatar, bumuo ng bloke ang iba’t ibang gobyerno para tutulan ang malawakang liberalisasyon ng sektor ng agrikultura sa kanilang mga bansa habang ang US at European Union ay nagsa-subsidize pa ng kanilang agrikultura. Nabuo ang Group of 20 na pinangunahan ng India at Brazil. Sinundan ito ng Group of 33 na pinangunahan ng Indonesia at Pilipinas. Ang pinakamalaking koalisyon ay ang Group of 90 na tumutol sa US/EU investment policies at sa iba pang mga patakaran na nais isulong ng WTO. Nag-walk out ang Group of 90 noong 5th Ministerial Summit sa Cancun, Mexico.
  • Bumara ang proyekto ng WTO sa Bali Summit ng 2013 kung saan tinutulan ng India at marami pang mga bansa ang US/EU proposal sa food security at iba pang trade liberalization issues.

 

7.  Dahil nababalaho ang WTO at APEC bilang proyekto ng US/EU sa pagdomina sa kalakalan sa daigdig, ang mga patakaran ng huli ay unti-unting bumabaling sa pagbubuo ng bilateral at multilateral trade agreements o tinatawag na Free Trade Agreements (FTAs). Noong 2012, umabot sa 21 ang FTAs ng US sa maraming mga bansa, 23 naman ang EU, at 13 ang Japan.

 

8.  Pangunahing nilalaman ng FTAs ang mga sumusunod:

 

  • Mga probisyon na pumapabor sa mauunlad na kapitalistang bayan;
  • Mahigpit na pagpapatupad ng intellectual property rights na pabor pa rin sa mauunlad na kapitalistang bayan;
  • Mahigpit na proteksyon sa sektor ng agrikultura sa mauunlad na bansa habang malawakang liberalisasyon nito sa developing countries;
  • Pagpapailalim ng karapatan ng manggagawa at proteksyon ng environment sa  liberalisasyon ng kalakalan; at
  • Pagbibigay ng karapatan sa mga korporasyong dayuhan na ihabla ang mga gobyerno sa paglabag nito sa kontrata sa pamumuhunan.

 

9.  Sa ngayon, ang pokus ng US sa Asia-Pacific ay ang pagtatayo ng TPP (Trans-Pacific Partnership) Agreement bilang pangunahing free trade agreement ng may 12 bansa sa Asia-Pacific (hindi pa kasama ang Pilipinas). Ibinulgar ng Wikileaks ang napakasikretong nilalaman ng kasunduan na pumapabor sa imperyalistang bansa at malalaking korporasyon. Ito ang dahilan kung bakit ang mga gobyernong nasa TPP ay ni walang kopya ng nasabing kasunduan. Kung mayroong TPP, mayroon ding TTIP (Trans-Atlantic Trade and Investment Partnership) na sumasaklaw naman sa Europe at sa Western hemisphere.

 

Ang neoliberal na globalisasyon

1.  Ang neoliberal na globalisasyon na isinusulong ng mga imperyalistang bansa (US at EU sa pangunahin) ay hindi lamang kaugnay ng kalakalan. Ang pangunahing mga haligi nito ay ang magkakaugpong na mga patakaran ng pribatisasyon, liberalisasyon at deregulasyon ng ekonomiya. Ang kaakibat na prinsipyo nito ay ang malawakang pagbuwag sa welfare state system at ang matinding pagpiga ng tubo mula sa uring manggagawa.

 

2.  Sa ilalim ng neoliberal na sistema, ang interventionist role ng estado (na dating kalakaran para bigyan ng direksyon ang ekonomiya at ipatupad ang redistribusyon ng yaman para hindi naman agrabyadong-agrabyado ang mahihirap) ay winawakasan at ipinauubaya ang ekonomiya sa kamay ng pribadong sektor, partikular sa malalaking korporasyon. Ito ang corporate agenda na tahasang tinatawag ding corporate globalization.

 

3.  Bagamat iniiwan ng gobyerno ang tungkulin nito sa pagpapatakbo ng ekonomiya sa kamay ng pribadong sektor, tinitiyak naman nito ang paglikha ng pinakamainam na klima para sa negosyo.

 

Paano nagkahugis ang neoliberalismo?

 

1.  Ang neoliberalismo ay unang sumulpot bilang reaksyon sa krisis ng kapitalismo noong 1970s. Ito ang krisis ng akumulasyon o pagbagal ng paglago ng kapital dahil sa ‘stagflation’ na naganap sa maraming mauunlad na bansa. Ang ‘stagflation’ ay pagdausdos (stagnation) ng ekonomiya na tinatambalan ng inflation, o pagdami ng perang mabilis na nawawalan ng halaga. Dahil dito, hindi makausad ang ekonomiya at mabilis na lumalago ang unemployment kahit sa mauunlad ng bansa. Noong kalagitnaan ng 1970s ang mga bansang gaya ng Britain ay nangailangan ng bailout ng IMF dahil sa nasabing krisis.

 

2.  Para buhayin ang naghihingalong ekonomiya, isa sa naging paraan ang pagsasanib ng pagmamay-ari at pagpapatakbo ng mga korporasyon sa senior management sa anyo ng pagbibigay ng malaking insentiba (pangunahin sa anyo ng stocks o hati sa pagmamay-ari sa negosyo). Ang paglago ng halaga ng stocks kaysa produksyon ang nagpausad sa negosyo.

 

3.  Pinatingkad nito ang pinansyalisasyon (financialization) ng ekonomiya. Ito ang paglikha ng ibayong yaman sa pamamagitan ng pagpapaikot ng salapi. Ang tubo ay hindi na nagmumula sa produksyon ng mga bilihin. Pinakawalan ang ispekulasyon sa pinansiya na naglayong patubuin pa ang kapital labas sa paglikha ng pisikal na yaman. Ang malalaking korporasyon ay nagtayo o sumanib sa malalaking operasyong pinansyal, gaya ng mga bangko at financial institutions. Ang iba’y pumasok rin sa negosyong real estate (pagbebenta ng lupa at real estate development) na punong-puno rin ng ispekulasyon.

 

4.  Hindi kataka-taka na ang neoliberalisasyon ay nagpayaman lamang sa mayroon nang mga pera at ari-arian (pangunahin sa lupa). Tumatak ang ‘exclusive growth’ sa global na ekonomiya. Ang net worth ng 358 na pinakamayayamang tao sa daigdig noong 1996 ay katumbas ng pinagsanib na income ng pinakamahirap na 45% ng populasyon sa daigdig (2.3 bilyong katao). Domoble ang net worth ng 200 pinakamayayamang tao sa daigdig (umabot ng higit $1 trilyon) sa loob lamang ng apat taon tungong 1998. Noong 2011, iniulat na ang Pilipinas ang may pinakamataas na income inequality rate sa mga bansa sa ASEAN. Ayon naman sa ADB, ang 10% ng pinakamayamang pamilya sa bansa ay humahamig ng higit sangkatlo (1/3) ng kabuuang income sa bansa.

 

5.  Dysfunctional ang ekonomiya sa ilalim ng neoliberalismo dahil hindi ito tumutugon sa krisis (employment, poverty, atbp.) na dapat lutasin nito. Nabalahura rin ang teknolohiya sa pangangailangan ng produksyon at naging suhay na lamang ito sa pinansyalisasyon ng industriya. Ang information technology (IT), ang pangunahing anyo ng pag-unlad ng teknolohiya ngayon, ay pangunahing nagsisilbi lamang sa BPO industries (business process outsourcing) gaya ng mga call centers.  Noong 2000, ang IT ay 45% na ng lahat ng puhunan, habang ang puhunan sa produksyon at imprastruktura ay bumabagsak.

 

6. Dahil hindi sumusulong ang produksyon at ang yaman ay pinaghahatian na lamang ng lumiliit na bilang ng iilan, ang natitirang pisikal na anyo ng yaman ang siya ngayong pinagpipistahan. Sa maraming bansa lalo na sa China, Mexico at maging sa Pilipinas, ang lupa na dating komunal, pampubliko at ancestral ay isinasapribado at tinatanggal sa pangangalaga ng mga magsasaka at katutubo; pinalalawak din ang pagsasamantala sa mga likas na yaman sa maraming bansa sa Third World; at patong-patong na interes ang isinasalaksak sa pagkakautang ng mahihirap na bansa para pumiga pa ng malaking yaman.

 

7.  Kahit hindi nilulutas ng neoliberalismo ang krisis sa ekonomiya, at pinatitindi pa ito, ang mas mahalaga ay kinokonsolida nito ang malalaking kapitalista at korporasyon. Pinalalaki nito ang tubo ng iilan kahit magbunga pa ito ng di matingkalang paghihirap at gutom sa nakararami.

 

8.  Gayundin, ang pinansyalisasyon ng ekonomiya ay napatunayang hindi istableng solusyon sa krisis, kahit sa pansamantala lamang. Kung ilang beses nang pumutok ang ‘bubble economy’ na ipinundar nito at halos nalalos ang yaman na nalikha nito sa ilang dekada.  Kaya sa huling pagsusuri, ang matibay na haligi ng neoliberalismo ay ang pagpiga ng higit pang tubo sa mga tunay na lumilikha ng yaman – ang uring manggagawa. Hindi makasasalba ang neoliberal na kapitalismo kung hindi dahil dito. Saan pa sila maaaring pumiga ng tubo kung hindi sa dugo at pawis pa rin ng uring manggagawa?

 

Ang neoliberal na globalisasyon at ang uring manggagawa

 

1.  Pagkatapos ng Second World War, dalawang mahalagang salik para sa pagpapaunlad ng kalagayan ng uring manggagawa ang naitatag sa maraming bansa sa Europa at sa Kanluran. Isa ang welfare state system (hindi ito isinulong sa United States). At Ikalawa ang paglakas ng kilusang unyon. Parehong ang ganansyang ito ay dulot ng masikhay na paglaban at pag-aalsa ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo.

 

2.  Matapos ang gyera, umarangkada ang teknolohiya ng mass production sa mga pagawaan na nagpaliit ng gastos sa produksyon at nag-angat ng produktibidad ng mga manggagawa sa maraming industriya. Iniluwal ang collective bargaining system sa mga pagawaan na nagtulak sa malawakang pag-oorganisa ng mga manggagawa. Ang pagyabong ng bagong lakas na ito – na nagbabantang sumanib sa putaputaking pag-aalsa ng mga manggagawa sa maraming panig ng mundo – ang nagnyutralisa sa pagtutol ng maraming kapitalista na magkaloob ng kailangang ginhawa sa mga manggagawa.

 

3.  Dito rin nakapamayani ang Sosyal-Demokratikong kaisipan sa maraming manggagawa sa mauunlad na kapitalistang bansa. Ito ang kaisipang kaya pang ireporma ang kapitalismo para magbigay ng ginhawa sa lahat ng mamamayan. Naganap ang makasaysayang ‘Tripartite Contract’: habang nagkakaloob ang kapital ng malaking parte ng tubo sa mga manggagawa, unti-unting isinuko ng mga labor aristocrat ang hangarin ng pagbabagsak at pagpapalit ng sistema, at sinikap naman ng estado na ibsan ang masidhing inequality sa lipunan sa pamamagitan ng progressive taxation at malawak na serbisyong panlipunan na isinulong bilang ‘welfare state system’.

 

4.  Sa pag-arangkada ng krisis noong 1970s at 1980s, nagsimulang magreorganisa ng sistema ng produksyon ang kapitalistang industriya sa daigdig. Isinulong ang neoliberal na sistema ng transisyon ng ekonomiya. Sa mga pagawaan at sa lahat ng industriya, nangahulugan ito ng pagpapahina pa ng uring manggagawa sa pamamagitan ng pagpapatupad sa malawakang sistema ng kontraktwalisasyon ng paggawa na tumungo sa pagguho ng kilusang unyon.

 

5.  Sa ilalim ng globalisasyon, sinimulan ng kapital na tapusin na ang sistema ng welfare state na namayani nang kung ilang dekada pagkatapos ng Second World War. Pero hindi sasapat ang pagwawakas lamang ng sistema ng welfare state – kung saan makatitipid ang mga gobyerno at maibubuhos pabalik sa mga kapitalista ang parte ng tubo na dati-rati’y naipagkaloob na sa mga manggagawa. Para sa kanila, kulang pa ito. Ang pagwawakas ng welfare state ay kailangang tambalan ng ibayo pang pagpiga ng tubo sa mga manggagawa.

 

6. Ito ang bisa ng kontraktwalisasyon para sa kapitalismo. Sa ilalim ng globalisasyon, nireorganisa ang proseso ng produksyon at pinairal ang malawakang kontraktwalisasyon ng paggawa. Sa pamamagitan nito, pinababa ang halaga ng paggawa, pati na ang labor standards, at unti-unting pinayuko at pinahina ang kilusang unyon. Ipinataw ang divide-and-rule strategy sa hanay ng mga manggagawa. Sa islogan ng ‘labor flexibility’, hinati ang produksyon sa pagitan ng ‘core labor’ at ‘peripheral labor’. Sa simula, pinanatili ang de-kalidad na trabaho para sa core workers kapalit ng pagtanggap nila ng dalawang klase ng paggawa sa kompanya – ang regular labor at ang contractual labor. Sa simula, malaki pa ang bilang ng core workers; sa kalaunan, nilunod sila ng bilang ng kontraktwal na inihalili sa kanila sa loob (at labas) ng pabrika.

 

7.  Ginamit ng kapital ang mga pag-unlad sa teknolohiya para isulong ang bagong kalakaran sa trabaho. Sa ilalim ng bagong teknolohiya na pinaarangkada ng IT at computer technology, sumulong ang mga sistema ng lean production, just-in-time production, at mga gaya nito, na nagpabilis sa inog at saklaw ng kapital, sa global sourcing ng mga industriya, at sa relokasyon ng mga trabaho sa iba’t ibang panig ng mundo.  Sa batayan nito, napamayani ang contractual labor na lalo pang nagpababa sa halaga ng paggawa sa pandaigdigang saklaw.

 

8.  Ang sistema ng contractual labor na dating nasa gilid-gilid lamang ng kalakaran ng paggawa ay naging isang pandaigdigang sistema. Mula sa janitorial services ay sinaklaw nito ang engineers at software developers, mula security guards ay sinaklaw nito ang sales personnel, high-skilled interns, at iba’t iba pa. Ang dating hukbo ng mga regular na manggagawa ay ngayo’y hukbo na ng mga kaswal at kontraktwal.

 

Ang Kontraktwal o Precarious Labor

 

1.  Ang kontraktwal na paggawang ito na lumaganap noong 1990s ay tinawag na precarious labor (unstable labor) ng International Labor Organization. Ayon sa ILO, ang kontraktwal na manggagawa ay binubuo ng mga manggagawang may pansamantalang kontrata ng trabaho at nasa ‘triangular relationship’ sa pagitan niya (manggagawa), ng kapitalista (employer) at ng subcontractor o agency. Itinuturing din ng ILO na contractual labor ang mga manggagawang ibinilang sa self-employed pero sa katotohanan ay integrated o dependent sa isang kompanya na ginagamit ang kanilang paggawa. Tinatawag din silang mga temporary, agency labor, subcontracted labor at bogus self-employed worker.

 

2.  Ang kontraktwalisasyon na ito ay laganap sa buong daigdig, parehong sa mauunlad na kapitalistang bansa at doon sa developing at underdeveloped economies.

 

  • Sa mga bansa sa European Union, ang parte ng kontraktwal sa kabuuang sahurang trabaho ay umakyat mula 8.3% noong 1990s tungong 14.7% ngayon.  Kumakatawan ang temporary/contractual work ng 30% ng lahat ng sahurang trabaho na nalikha sa panahong ito.
  • Sa China, ang bansa na naging sentro ng globalisasyon o outsourcing ng produksyon sa nakalipas na dalawang dekada, dramatiko ang naging kalakaran ng kontraktwalisasyon. Noong 1986, halos lahat ng trabaho doon ay nasa ilalim ng fixed-term contracts. Mula 2005, iniulat na sa 73% ng na-empleyong rural migrant workers, 47% ang walang kontrata, 25% ang may short-term contract at 1% lamang ang may long-term contract. Ang sweldo ng mga manggagawang walang kontrata ay katumbas lamang ng 20% ng may kontrata.
  • Sa India, ang paggamit ng contract workers ay umakyat mula 13% noong 1993-94 tungong 30% noong 2005-06. Nilampasan na ng kontraktwal ang permanenteng mga manggagawa.
  • Sa South Africa, ang mga pabrika at minahan ay pinutakti ng mga service providers, labor brokers at iba pa na naging middle-men ng mga kapitalista. Ang kita ng mga kontrakwal ay kulang pa sa kalahati ng kita ng mga manggagawang nasa core employer.
  • Sa Latin America at Caribbean, ang parte ng mga manggagawang kontraktwal ay tumaas mula 19% nong 2002 tungong 26.5% noong 2007.

 

Proletariat noon, precariat ngayon

 

1. Tinatawag din ang mga kontraktwal na bagong proletaryado (proletariat), pero dahil precarious (hindi istable) ang kanilang trabaho, isang bagong bansag sa kanila ang ‘precariat’. Ang penomenon ng precariat ay ibinunga ng globalisasyon ng ekonomiya, ng bagong teknolohiya, ng mabilis na paglabas-masok (global mobility) ng kapital, ng pagkitil sa mga batas sa paggawa na nagbibigay-proteksyon sa mga manggagawa, at sa buong saklaw ng mga patakaran ng estado sa ilalim ng neoliberalismo.

 

2. Nagbunga ito ng hukbo ng kaswal na mga manggagawa na nabubuhay sa permanenteng kalagayan ng kawalang-seguridad at inaalisan ng mga karapatan sa paggawa sa buong katuturan nito. Kung ang proletaryado ay sahurang alipin ng mga kapitalista, ang precariat ay sahurang alipin ng mga kapitalista at ng ahensya. Ang precariat ay mga manggagawang napasasailalim sa kapitalistang pagsasamantala, at iniluluwa ng kapitalistang sistema (o kailangang mabuhay sa sariling kaparaanan) sa panapanahon.

 

3. Pinopropaganda ng mga kapitalista ang ganitong kalakaran na hindi maiiwasan at kailangan sa kaunlaran. At para maipatupad ang ganitong ‘kaunlaran’, itinutulak ang estado ng maraming bayan na lumikha ng ‘regulatory environment’ para sa globalisasyon. Kabilang dito ang mga batas at kautusan para sa malawakang pagpapatupad ng kontraktwal na paggawa. Hindi lamang ito ipinatutupad sa pribadong sektor kundi sa serbisyong publiko ng gobyerno na ngayon ay pinatatakbo na ng maraming mga kontraktwal.

 

Ang Herrera Law at batas sa kontraktwalisasyon sa Pilipinas

 

1. Hindi kataka-taka na ang Herrera Law (RA 6715) o ang Herrera amendment sa Labor Code ay nabuo noong 1989 – ang taon na nabuo ang APEC at ibinandila ang simula ng pagpapatupad ng malawakang neoliberal agenda sa Asia-Pacific at sa maraming bansa. Ang Herrera Law ay isang payak na halimbawa ng pagsunod ng Pilipinas, sa pamamagitan ng labor aristocrat na si Herrera, sa naisin ng neoliberal na globalisasyon.

 

2. Ginawang legal ng Herrera Law ang kontraktwal na sistema ng trabaho. Bago ito, ang kontraktwal na trabaho ay limitado lamang sa mga gawain na hindi direktang kaugnay ng pangunahing trabaho sa kompanya, gaya ng janitorial, security, messengerial work at iba pa.

 

3. Sa ilalim ng Artikulo 106 hanggang 109 ng Herrera Law, pinagkakalooban ang Kalihim ng Paggawa ng kapangyarihan na mag-isyu ng mga kautusan na magpu-promote ng hiring ng kontraktwal at iba pang manggagawang di-regular. Dati-rati ang kontraktwal lamang ay ang janitorial at iba pang trabahong kaswal, pero ito na ngayon ang normal na sistema ng paggawa sa lahat ng sektor ng industriya – mula sa manupaktura, wholesale at retail trade hanggang BPOs.

 

4. Pinalabnaw ng Herrera Law ang isyu ng regular na trabaho at ganap na isinulong ang kontraktwalisasyon sa pagbibigay muli ng kapangyarihan sa Kalihim ng Paggawa na maglabas ng guidelines kung paano isusulong ang kontraktwal na trabaho. Bagamat tinukoy sa ilalim ng Herrera Law ang kaibhan sa pagitan ng job contracting at ‘labor-only contracting’, ibinigay naman sa Kalihim ng Paggawa ang buong kapangyarihan na itakda ang mga regulasyon para dito.

 

Department Order No. 10

 

1. Noong 1997, inilabas naman ng Department of Labor & Employment (DOLE) ang Department Order No. 10 alinsunod sa sinasaad ng Herrera Law. Itinalaga agad ng DO No. 10 na ang ‘sistema ng contracting at subcontracting ay sadyang pinahihintulutan ng batas, bagamat napapailalim sa ilang regulasyon.’ Alinsunod sa DO No. 10, ang sistema ng contracting at subcontracting ay esensyal ‘para palakasin ang bisa at ayusin ang pamamahala sa mga operasyon na esensyal para lumago ang negosyo sa klima ng malayang kompetisyon.’

 

2.  Itinakda rin ng DO No. 10 ang mga pinahihintulutan (permissible) na anyo ng contracting o subcontracting. Liban sa mga trabahong hindi direktang kaugnay o integral sa pangunahing negosyo o operasyon ng kompanya – gaya ng janitorial, security, messengerial jobs, at mga gaya nito – pinasaklaw ito sa “mga trabaho o serbisyo na pansamantala o sa panapanahon ay kailangan para harapin ang abnormal na paglaki sa demand ng produkto o serbisyo,” “mga trabaho o serbisyo na pansamantala o panapanahong kailangan… para sa mga gawaing nangangailangan ng mga eksperto o highly technical personnel para mapaunlad ang pamamahala o operasyon ng empresa,” at “mga serbisyo na pansamantalang kailangan para sa pagpapakilala o promosyon ng mga bagong produkto.”

 

3.  Hindi kataka-taka na ang Herrera Law at ang DO No. 10 ay nagbunga ng malawakang kontraktwalisasyon ng paggawa at pagkalalos ng regular employment. Sa maraming pabrika, ang dating mayoryang regular na trabaho ay nasa 10-20% na lamang, habang ang kontraktwal ay nasa 80-90%. Ang kontraktwalisasyon ay pinasimulan ng malalaking kompanya na nabibilang sa Top Ten gaya ng SM, San Miguel, PAL, PLDT, Coca-Cola, at iba pa. Kung iisa-isahin natin ang 40 multimilyonaryong Pilipino sa bansa, halos lahat ng negosyo nila ay nakapundar sa kontraktwal na paggawa sa manupaktura, sa retail, real estate, at financial sectors.

 

4. Ganito ang naging kalakaran sa imposisyon ng kontraktwal na paggawa sa malalaking kompanya:

 

  • Sa PLDT, mula sa 16,000 na regular noong 1995, may 3,000 na lamang ngayon.
  • Sa SM, 92% ng manggagawa ay kontraktwal (maagang kalakaran na ito sa SM).
  • Sa San Miguel, mula sa 26,000 na regular, may 1,000 regular na lamang ngayon.
  • Sa PAL, ang natitirang 2,600 na regular noong 2011 ay rehired ngayon bilang kontraktwal ng mga ahensyang pagmamay-ari rin ng PAL. Ikinalat na ang unyon sa iba’t ibang departamento.

 

5. Ang kontraktwalisasyon ay salot sa unyon. Sa Department Order No. 10, binabawalan ang mga kontraktwal na mag-unyon at dahil ang hiring ng manggagawa ay nasa mga agencies o subcontractors, hindi sila responsibilidad ng kapitalista at hindi sila pwedeng magwelga sa kompanya. Dahil dito, nalalos ang unyonismo sa maraming kompanya. Noong 1989, nasa 2.79 milyong manggagawa ang nabibilang sa unyon. Noong 2012, sila ay nasa 1.79 milyon na lamang. Mula 627 na unyon ay mayroon na lamang 200 registered unions ngayon.

 

6. Hindi masasabing nagsawalang kibo ang mga unyon sa kontraktwalisasyon na lumilipol sa kanila. Nagwelga rin ang marami sa simula. Pero hinarap sila ng bangis ng estado at ng mapaniil na nilalaman ng Herrera Law laban sa welga (laluna sa probisyon ng illegal strike kung saan dismissal ang hinaharap ng mga sumama). Sunud-sunod ang pagkatalo ng mga unyong nagsipagwelga; sa SM, LRT, PLDT, Meralco, ABS-CBAN Internal Job Marketers, Triumph International, Ever Gotesco Mall. Nestle, San Miguel, Lepanto Consolidated, Toyota Nissan, Honda, Yokohama, Phil. Jeon, at Hacienda Luisita.

 

7.  Gayundin, ang paggamit ng kontraktwal na paggawa sa malalaking kompanya ang naging mitsa sa pagsasara ng maraming maliit na pabrika at empresa na hindi makasunod sa kompetisyon. Ito ang lalo pang nagpalala sa krisis ng employment sa bansa.

 

8.  Kasabay ng Herrera Law ay ipinatupad din ang RA 6727 o Wage Rationalization Act na ipinasa naman sa Regional Wage Boards ang pagtatakda ng minimum wages. Bahagi din ito ng neoliberal na patakaran na nagtakda ng mas maliit na minimum na sahod sa iba’t ibang probinsya.

 

Department Order 18-A (2011)

 

1.  Ang DO 10 ay pinalitan ngayon ng DO 18-A Series of 2011. Ang bagong order na ito ay nagpanatili ng kontraktwalisasyon sa ilalim ng mga bagong regulasyon, gaya ng:

 

  1. Pinalaki ang kapital para maging lehitimong labor contractor. Ang ahensya na korporasyon, partnership o kooperatiba ay dapat may paid-up capital na hindi bababa sa P3 million. Ang single proprietorship naman ay hindi bababa sa P3 million ang deklaradong net worth.
  2. Pinalaki din ang bayad ng mga kontraktor sa rehistro sa DOLE (dati-rati ay P100 lamang, ngayon ay P25,000 na kada tatlong buwan).
  3. Bagong depinisyon ng ipinagbabawal na labor-only contracting: Labor-only contracting kapag paulit-ulit ang kontrata ng manggagawa sa isa o iba-ibang mga ahensya matapos ang 5-buwang trabaho bilang kontraktwal.
  4. Ang kontrata sa employment ng manggagawa sa kanyang ahensya ay dapat kasinghaba ng service contract ng agency sa kompanya.
  5. Kapag may unyon sa kompanya pero gumamit ng ahensya ang kompanya, obligadong ipakita ng kompanya sa unyon ang service contract sa pagitan ng kompanya at ng ahensya. Obligado rin ang ahensya na ipakita sa unyon ang employment contract ng mga kontraktwal ng ahensya. Anumang paglabag dito ay ituturing na labor-only contracting.
  6. Hindi lalagpas ang bilang ng mga kontraktwal o empleyado ng ahensya sa bilang na pinagkasunduaan sa CBA kung meron.

 

2.  Ang DO 18-A ay regulasyon lamang sa pagpapatuloy ng kontraktwalisasyon sa mga pagawaan. Wala itong layunin na bawasan o pahupain ang kontraktwalisasyon. Legal ang job contracting at pagmi-middlemen ng mga ahensya – maging ito’y mga korporasyon, partnership o kooperatiba [!] – sa iba’t ibang klase ng trabaho sa kompanya. Pinalulusot ng order ang tunay na kapitalista – ang malalaking kompanya – sa responsibilidad nila sa mga manggagawa. Pang-engganyo ito sa mga dayuhang kompanya na madaling makapaglalabas-masok ng kanilang kapital sa Pilipinas.

 

Paano susugpuin ang kontraktwalisasyon?

 

1. Kamakailan, nagtala ng ilang tagumpay sa laban ang mga manggagawa sa Tanduay. Dahil sa welga, kinilalang regular ang 103 manggagawang nagsampa ng complaint. Gayundin ang Talents Association ng GMA-7 na nagkaroon ng mga protestang pagkilos sa harap ng GMA-7 laban sa dismissal sa kanila ng kompanya.

 

2. Maaaring magsama-sama ang mga manggagawang kontraktwal para pwersahin ang Kongreso, ang DOLE at ang Presidente na umaksyon laban sa kontraktwalisasyon. Kailangang palitan ang Herrera Law at i-revoke ang lahat ng department orders na nagpapanatili dito.

 

3.  Ang kontraktwalisasyon ay isang pandaigdigang penomenon na dulot ng neoliberal na kapitalismo. Isinusulong ito ng APEC at ng lahat ng ‘free trade’ agreements na ibinebenta ng mga imperyalistang bansa at malalaking korporasyong lokal at dayuhan na siyang nakikinabang sa globalisasyon. Kailangang tagpasin ang APEC dahil hindi ito tumutugon sa interes ng manggagawa, ng mahihirap, at ng buong bayan sa Pilipinas at sa mga bansa sa Asia-Pacific. Ang tunay na asosasyon ng pagkakapatiran ng mga bansa ay gaya ng ALBA na itinatayo sa Latin-America at Caribbean sa pangunguna ng mga gobyernong tumatahak ng sosyalismo sa Venezuela, Bolivia at Ecuador.

 

4. Ang ultimong solusyon ay ang pagbabagsak ng asendero-kapitalistang gobyerno na nagpapatuta sa imperyalismo habang kinukurakot ang natitirang yaman ng bansa. Sa halip ng ganitong klaseng gobyerno, kailangang humalili ang isang gobyerno ng manggagawa at masang pinagsasamantalahan at inaapi ng kapital at ng bulok na gobyerno. #

 

Oktubre 26, 2015

Pinaghalawan:

Walden Bello, “The Corporate Free Trade Project Reloaded,” Telesur, 27 August 2014.

ILO's Bureau for Workers' Activities (ACTRAV), “Policies and Regulations to Combat Precarious Employment,” ILO 2011.

Guy Standing, “The Precariat: The New Dangerous Class,” Bloomsbury 2014.

Last Updated on Friday, 06 November 2015 14:07
 

Announcements

plm_poster_congress_copy


Join the Campaigns!

 

anti-trpo icon

Anti Trapo Campaign!

 

Government of the Masses Campaign! icon

Government of the Masses Campaign!


Socialist_Feminism_Cover
Renewing Socialist Feminism

 

Visitors Counter

mod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_counter
mod_vvisit_counterToday210
mod_vvisit_counterThis month19777

Your IP: 54.167.250.64
,
Today: Oct 24, 2017