Pilipino version: Ang Duterte Phenomenon PDF Print E-mail
Written by Partido Lakas ng Masa   
Friday, 29 April 2016 14:41

PLM Discussion Paper

Inihanda ni Sonny Melencio, Tagapangulo, PLM

 

ANG DUTERTE PHENOMENON AT ATING AKTITUD DITO

 

[Ang discussion paper na ito ay naglalayong suriin ang phenomenal na pagsulong ng kandidatura at kampanya ni Rodrigo Duterte bilang pangulo. Mula dito ay itakda ang ating aktitud sa nasabing kampanya, laluna ang pananawagan niya at ng kanyang pwersa sa “rebolusyong Duterte” laban sa magaganap na pandaraya sa halalan. Iminumungkahi ng sumulat na sabayan ang protesta sa pandaraya (magmartsa kasama ang mga pwersa ni Duterte) nang hindi sumasanib sa kanilang hanay. Kung magkakagayon, may magkakaiba ring panawagan na hindi lamang nakatuon sa pagluluklok kay Duterte, kundi sa mas matalas na panawagang itayo na ang gobyerno ng masa sa anyo ng Kongreso ng Mamamayan. Ito’y isang balangkas lamang ng mga senaryong maaari nating paghandaan sa pagputok ng unos ng protesta sa halalan.]

 

1.  Gustuhin man natin o hindi, si Rodrigo Duterte ang nangungunang kandidato sa pagkapangulo sa sunud-sunod na mga survey.  Sa pinakahuling non-commissioned survey ng “Pulso ng Bayan,” nakuha na ni Duterte ang lead na 35% habang nasa malayong 23%, 17% at 16% sina Grace Poe, Mar Roxas, at Jojo Binay, ayon sa pagkakasunud-sunod. Nanguna rin si Duterte sa lahat ng socioeconomic classes: 43% sa Classes ABC (upper at middle classes), 32% sa Class D (mga mahihirap) at 40% sa Class E (pinakamahihirap).

 

2. Bukod sa survey na pwedeng imanipula, ang matibay na patunay ng pag-arangkada ni Duterte ay ang bilang ng espontanyong masa na dumadagsa sa kanyang sorties. Hindi lamang ito sa Mindanao at Visayas, kundi pati sa Luzon at Metro Manila. Sa Alabang, isang upper at middle class enclave, libu-libo ang naghintay para marinig ang kanyang talumpati. Sa Hongkong at marami pang lugar ng OFWs, umaapaw ang sortie ni Duterte kahit wala siya.

 

[I-click ang Read More sa kanan para i-upload ang buong discussion paper...]


 

Paano ipaliliwanag ang penomenon na ito?

 

1.  Una, senyales ito na ang mga tao ay sawa na sa mga lumang trapo at elite na pwersa na matagal nang naghari sa gobyerno mula pa noong maibagsak si Marcos. Dumarami ang

nasiphayo sa pumalit na mga rehimen na tinitingnang mas malala pa kaysa dati.

 

2. Sa partikular, kinakatawan ni Duterte ang pagkasiphayo at pagkasuklam ng masa sa pamumuno ng mga dilawang pwersa. Target nito si PNoy at ang kanyang mga palpak na myembro ng Gabinete. Sa eleksyon, ang marka nito ay ang pangungulelat ng LP bet na si Mar Roxas sa halos lahat ng mga survey. Ang pag-arangkada ni Duterte ay tanda ng pagtatakwil ng masa, kabilang ng middle class, sa mga dilawang lider at pwersa sa gobyerno.

 

3. May negatibong fallout ang pagtatakwil ng masa sa mga Dilawan. Ito naman ang pag-arangkada ni Bongbong Marcos bilang bise-presidente. Bagamat parehong tinatatakang “strongman” sina Duterte at Marcos, ang pagkakaiba ng dalawa ay main beneficiary ng martial law dictatorship (ng ama) ang huli, at kapural din sa pagtatago, hanggang ngayon, ng nakulimbat nilang yaman sa mamamayan.

 

4.  Kumpara sa kahinaan, kapalpakan, at kawalang gulugod ng administrasyon ni PNoy at ng mga naunang Dilawan, isang imahe ng no-nonsense leader si Duterte. Ito ang katangian ng presidente na hinahangad ngayon ng masa – hindi isang presidente na palpak, walang pakialam at walang gulugod sa paglutas ng maraming problema ng masa, mula sa corruption, trapik, at kriminalidad.

 

5.  Gayundin, ang lumalalang kriminalidad na pangunahing isyu ni Duterte sa halalan ay isyu na nakatarak na sa dibdib ng mamamayan, mula sa mga may-kaya hanggang sa mahihirap, mula sa mga call center agents at mga OFW at kanilang pamilya na nagiging biktima ng drug addiction, pagnanakaw, panggagahasa, at iba pang karumal-dumal na krimen sa bansa.

 

6. Nawala na ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno na matulungan sila sa pagkakaroon ng trabaho o mabigyan ng proteksyon sa kanilang buhay. Para sa mga OFW na nagtitiis na sa hirap sa ibang bayan para lamang kumita at mabuhay, pinakamasaklap ang makitang ang kanilang pinaghirapan ay nakukulimbat, at ang kanilang mga anak at iba pang naiwan sa Pilipinas ay nagiging biktima ng krimen at hindi maipagtanggol ng pamahalaan.  Dito nakabatay ang masidhing pag-asa sa isang strongman leader at sa pamamaraan ng kamay na bakal na sa tingin nila’y nagawa na ng isang Duterte sa Davao.

 

Sino ang kinakatawan ni Duterte?

 

1. Mahalagang sabihin na si Duterte ay galing rin sa isang paksyon ng naghaharing uri sa Pilipinas. Ito ang paksyon na labas sa lumang oligarkiya na matagal nang nakabase sa Manila at Luzon.  Gaya ni Erap, si Duterte ay nagmimistulang nasa labas ng tradisyonal na oligarkiya o naghaharing uri sa Pilipinas. Pero galing siya sa sa isang political clan sa Mindanao.  Ang kanyang ama ay naging alkalde ng Danao, Cebu at gobernador ng Davao. Ang kanyang ina ay mula sa political clan ng Roa na naghari sa Leyte sa matagal ding panahon. Ang pinsan ni Duterte ay naging mayor ng Cebu City noong 1983-86, isang pwesto na hinawakan din ng ama nito noong 1957-59. May kaugnayan din ang mga Duterte sa political clans ng mga Durano at Almendras sa Cebu.

 

2. Ang oligarkiyang matagal nang naghari sa Pilipinas ay galing sa Luzon, o kung hindi man ay nakabase sa Metro Manila. Ang islogan sa kampanya ni Duterte na “Change is coming” (Parating na ang pagbabago) ay pahayag din ng isang “sariwang mukha” kumpara sa mga elitistang trapo sa “Imperial Manila.”

 

3. Kinakatawan ni Duterte ang mga lokal na pulitiko na matagal nang pumapalag sa paghahari ng Imperial Manila.  Sila ay nagsama-sama para isulong ang panawagan sa pederalismo na magbibigay ng “kapantay na oportunidad” sa mga pulitiko sa Luzon at Metro Manila. Sa punto de bista ng lokal na naghaharing uri, mas demokratiko kung paghahati-hatian ang ganansya at hindi lang ito mapupunta sa mga paksyon na malapit sa poder ng Malakanyang.

 

4. Hindi kataka-taka na ang kampanya ni Duterte sa mga lugar labas sa Imperial Manila ay nakakukuha ng masigabong suporta mula sa mga lokal na politiko. Isang isyu na laging pinagdidiinan ni Duterte sa kanyang mga talumpati, bagamat hindi naku-cover ng media, ay ang pederalismo at ang problema ng gyera sa Mindanao. Laging nababanggit ni Duterte sa kanyang mga talumpati ang bantang umalagwa ang gyera sa buong kapuluan, kabilang na ang Kamaynilaan – isang bagay na alam ng marami na nagaganap na sa panaka-nakang pambobomba sa ilang syudad labas ng Mindanao.

 

Tindig sa Duterte phenomenon

 

1.  Wala tayong makitang dapat na suportahan bilang presidente ngayong halalan. Paano’y pareparehas lamang sila na tagapagtaguyod ng bulok na sistema at wala tayong ilusyon na isa sa kanila ay magpapalaya sa atin sa pagsasamantala at pang-aabuso. Gayuman, may Duterte phenomenon at kailangang iguhit natin ang ating tindig dito.

 

2. Sentrong usapin sa Duterte phenomenon ang mismong pagsuporta ng lumalaking bilang ng masa kay Duterte. Kahit sa ating mga kandidatong lokal, marami ang para kay Duterte ngayong eleksyon.

 

3. Kailangan ding ilinaw na ang pagbandila ni Duterte sa sosyalismo ay isang pretensyon lamang. Populista ang tono ng mga tindig ni Duterte, ibig sabihin, ginagamit niya ang mga salita na bumabagay sa kung sino ang kanyang kaharap. Pinakarurok na ng programa at ideolohiya ni Duterte ang repormang burgis, pero kahit ito ay kinukulayan niya palagi ng mas kapanipaniwalang banta niya ng pasistang pamamaraan ng paghahari.

 

4. Gayunman, alam natin na matibay na ang pag-iilusyon sa kanya ng masa bilang tagapaligtas sa Dilaw na apokalipso. Ang materyal na batayan ng ilusyon ng masa kay Duterte ay ang kongkreto at direkta nilang karanasan sa nakapupundi nang kahirapan, pagsasamantala, at pang-aabuso ng dilawang administrasyon.

 

5. Kaya kahit alam natin na nasa maling landas ang masa, at naroroon pa ang pag-iilusyon sa isang strongman leader na magpoprotekta sa kanila, hindi natin sila maiiwan. Kailangan tayong naroroon para matiyagang magpaliwanag at ipakita sa praktika ang kamalian ng pag-iilusyon sa isang Duterte.

 

6. Paano natin ito gagawin?

 

7. Kailangan nating suhayan pa ang pagkasiphayo ng masa sa naghaharing gobyerno at partido sa patuloy na paglalantad ng kabulukan nito at ng mga tagapagtaguyod ng “Tuwid na Daan” o ng neoliberal na programa ng gobyerno. Kailangan nating ituro na ang solusyon ay hindi ang pag-asa sa isang strongman, kundi ang pag-asa sa sariling lakas na tanging magpapalaya sa kanila.

 

8. At wasto lamang na sa sandaling magpakawala si Duterte ng mga pahayag na laban sa kababaihan, sa LGBT, sa manggagawa at iba pang sektor ng lipunan – gaya ng “rape joke” at marami pang abusadong pananalita – kailangan natin itong itakwil nang walang pasubali. Tumatakbo siyang presidente, kaya hindi kailangang palusutin ang mga pahayag na nakasisira sa mga isyu at paninindigang matagal na nating ipinaglalaban. Isang dahilan kaya hindi rin katanggap-tanggap sa atin na ikampanyang pangulo si Duterte.

 

9.  Gayundin, dapat ipabatid sa marami na ang higit na panganib sa pag-upo ni Duterte ay ang banta niyang paggamit ng kamay na bakal sa oposisyon. Kahit na ito ay nasa balangkas lamang ng gyera laban sa droga at corruption, ihahataw na ang mga pamamaraang lahatang lalabag sa karapatang pantao, kabilang ang karapatan ng mga kababaihan at kabataan na madadamay dito.

 

10. Pero kailangan ding banggitin na ang ating pagtuligsa sa banta ng pasismo sa ilalim ni Duterte ay hindi nakabatay sa makaisang-panig, burgis at liberal na interpretasyon ng “rule of law” na pumapabor lamang sa mga naghaharing pamilya at pwersa (na siya ring gumagawa ng mga batas). Ang diwa ng demokrasya ay hindi ang “rule of law” kundi ang rule of the majority na mga pinagsasamantalahan at inaapi sa lipunan. Sa tunay na paghahari ng mayorya magmumula ang mga tunay na batas na mangangalaga at magsusulong ng interes ng masa.

 

Duterte: Juan Peron ng Pilipinas?

 

1. Isa sa katangian ng Duterte phenomenon ang pagsasama-sama ng mga Kanan at Kaliwang pwersa sa pagsuporta sa kanya. Sa Kanan ay ang mga ultra-Rightist forces na ang adyenda ay ang pagbabalik ng mga Marcos at ang pagbabalik ng martial law para “lipulin ang mga kriminal at disiplinahin” ang mga tao. Si Bongbong ang isinisigaw nilang bise-presidente, na hindi maglalaon ay isusulong nila bilang presidente.

 

2. Sa Kaliwa ay matagal nang ka-koalisyon ni Duterte ang CPP-NPA-NDF, ayon na rin sa kanyang mga pahayag. Sa eleksyon ngayon, sinusuportahan si Duterte ng mga organisasyon, partylist at pwersang associated sa CPP. Totoo rin naman na sa matagal na paghahari ni Duterte sa Davao, sinuportahan niya at sinuportahan siya ng mga kaliwang pwersa. Gaya rin ito ng iba pang politiko sa ibang probinsiya (halimbawa’y ang mga Dy sa Isabela, si Yap sa Escalante, at iba pa) na kumukupkop sa NPA para lalong manatili sila sa pwesto.

 

3.  Ang koalisyon ng Kaliwa at Kanan sa ilalim ng isang indibidwal na politiko ay nagpapaalala sa naging presidente sa Argentina ng tatlong termino pagkatapos ng Second World War hanggang 1973. Ito si Juan Peron na naging popular na pangulo, isang strongman, na nakapagtipon ng suporta ng middle class at ng mga manggagawa, ng Kaliwa at ng Kanang pwersa, noong kanyang paghahari sa Argentina.

 

4. Nakipag-alyansa si Peron sa militant labor group na CGT at sa mga sosyalistang grupo at kilusan. Sinuportahan niya ang kilusang unyon at ang mga kahilingan nito sa sahod. Noong unang panahon ng kanyang pagiging pangulo (1946-1952), nagpatupad siya ng malawak na benepisyong panlipunan para sa mga manggagawang unyonisado. Nagsulong din siya ng mga patakarang makabayan, gaya ng nasyonalisyon ng central bank, railways, public utilities, at ng kalakalan sa pagluluwas ng mga produktong agrikultura. Pumagitna rin siya sa cold war politics ng panahon na iyon, at nagbukas ng relasyon sa USSR at Cuba.

 

5.  Pero nang naharap sa matinding krisis ang Argentina noong huling dako ng 1940s, na sinabayan ng pag-arangkada ng mga welga ng manggagawa, inatake niya ang CGT at kilusang unyon. Pinalitan niya ang mga lider ng CGT ng kanyang mga supporter, at ipinakulong ang mga lumalaban. Itinayo ni Peron ang kanyang diktadura na gumamit ng kamay na bakal. Kinalaboso at tinortyur ang mga lider ng manggagawa na nasa oposisyon, at ipinasara ang mga oposisyong pahayagan.

 

6. Mula noon, ang dalawang pangunahing grupo na sumuporta kay Peron – ang panggitnang uri at ang mga unyon – ay parehong nakatikim ng atake ni Peron. Sa ikalawang termino ni Peron noong 1952-55, ang natirang alyansa ay ang alyansa sa mga heneral at mga Kanang pwersa. Pero kinudeta pa rin si Peron noong 1955 at ipinatapon sa bansa. Nakabalik lamang siya sa Argentina noong 1973 at nahalal na presidente noon ding taon na iyon, pero namatay siya agad bago mag-isang taon sa pwesto.

 

7. Sa ikatlo at huling termino ni Peron, tumindi ang represyon sa mga lider ng CGT, lumago ang mga grupong para-military at pinakawalan niya ang kanyang pasistang adviser na si Jose Lopez Rega para itayo ang Triple A. Ito ang death squad na pinakawalan hindi lamang sa extreme Left kundi pati sa moderate na oposiyon. Marami sa mga kaliwang grupo ang nag-underground at naglunsad ng armadong pakikibaka laban sa gobyerno sa panahong ito.

 

8. Hindi natin ipinaghahambing si Duterte at Peron dahil nasa magkaibang kalagayan at konteksto ang kanilang pag-iral. Ang sinusuri natin ay ang penomenon ng pagsasama ng Kanan at Kaliwang pwersa sa magkakaibang dahilan. Isang bagay na makikita sa koalisyon para kay Duterte.

 

9. Pero kahit si Peron, na may mga patunay na sa pagsusulong ng mga posisyong maka-manggagawa at maka-Kaliwa, ay naging totoo sa kanyang makauring karakter noong dakong huli. Pumatungo siya sa maka-pasista at maka-Kanang paghahari dahil na rin sa pagkabigo ng kanyang administrasyon na malutas ang krisis at maampat ang pakikibakang masa.

 

10. Kaya ang panganib na naghihintay sa masa sa pag-upo ni Duterte bilang pangulo ay naririyan na. Nagmumula rin ang panganib sa karakter ni Duterte na responsable lamang ito sa sarili niya at nagdedesisyon sa sariling diskarte, isang karakter na matatagpuan sa mga warlords sa probinsiya na matagal nang naghari-harian sa kanilang lugar. Kung tatahakin niya ang Kanan o Kaliwang landas ay halos siya lamang ang nakakaalam.

 

11. Subalit bilang pangulo, mas makapangyarihang pwersa ang papaligid sa kanya. Kung ang ilusyon ng masa kay Duterte ay matindi, kikilos sila para itulak ang tunay na mga pagbago. Dito mas malamang na talikuran na sila ni Duterte dahil hindi papayag ang mga heneral at militar, at ang mga lokal na warlord at trapo sa mga probinsya, na puma-Kaliwa ang mga patakaran ni Duterte. At walang sapat na kakayahan ang armadong pwersa ng Kaliwa para banggain ang AFP at PNP na tiyak na kakabiging pa-Kanan si Duterte. Ang panganib na gaya nito ang naghihintay sa ilalim ng magiging maikling panunungkulan ni Duterte kung ito ay papalaring makaupo.

 

Alyansa laban sa administrasyon at ating panawagan

 

1. Anu’t anuman, hindi si Duterte ang pangunahing kaaway ng masa ngayon. Ito ang pangkat ng mga Dilawang pwersa na naghahari sa gobyerno at nagbabantang umagaw ng kanilang boto sa halalan sa Mayo 9. Nagbabanta pa lamang ang paghaharing Duterte kung mailulusot nito ang sarili sa eleksyon.

 

2. Sa Mayo 9, ang senaryo ay hindi pa ang posibleng panalo ni Duterte. Ang scripted na senaryo ay ang pag-arangkada ng kabayo ng administrasyon – si Mar Roxas (bagamat sinasabi ng iba na nakatagong ‘kabayo’rin ng administrasyon si Grace Poe). Ang hindi inaasahang pag-arangkada sa botohan ni Roxas ay tiyak na magpapaalsa ng dugo ng marami, laluna ang mga pwersang sumusuporta kay Duterte.

 

3. Sa Mayo 9, ang nakasalang ay ang pagbubuo ng pinakamalawak na oposisyon sa magaganap na pandaraya. Si Duterte ang tanging kandidato sa pagkapangulo na naghahanda ng matinding protesta laban dito. Ang protesta ay magsisimula na sa Mayo 7 pa lamang sa panawagan ng kanyang pwersa na i-occupy ang Luneta bilang show of support kay Duterte at patikim sa maaaring maganap kung itutuloy ang pandaraya.

 

4.  Nang hindi sumasanib sa kampo ni Duterte, maaaring magmartsa kasabay nila sa paglaban sa mga pandaraya at iba pang mga direktang aksyon ng masa na maaaring gawin sa harap ng pandaraya ng ruling party sa eleksyong Mayo 9. Lahat tayo ay kailangang maghanda para rito. Tiyakin na ang ihip ng hangin ay mauwi hindi sa pagdiriwang ng administrasyon at ng kanilang mga paksyon, kundi sa pagsiklab ng mga protesta ng masa. Ito ay maaaring maging mitsa sa mas malawak at mas matitindi pang protesta.

 

5.  Sa pagdaluyong ng protesta, hindi kailangang ang panawagan ay iluklok lamang sa pwesto si Duterte o ang dinayang kandidato. Kailangang paulinigin ang mga kasalanan ng nandayang administrasyon at ang mga kahilingan ng masa na sinagkaan at nilapastangan ng pandaraya sa eleksyon.

 

6.  Maaari tayong manawagn ng deklarasyon ng failure of election at failure ng mga institusyon ng gobyerno na pangalagaan ang eleksyon. Hindi sasapat na ulitin lamang ang eleksyon sa ilalim ng Comelec o ng iba pang institusyon na kapural sa pandaraya. Kailangang itakwil lahat ng mga institusyong nasangkot sa failure of election.

 

7.  Ang tanging institusyon na makalulutas sa pagkawala ng tiwala ng masa sa lahat ng institusyong nasangkot sa pandaraya ay ang Kongreso ng Mamamayan. Hindi ang Senate Electoral Tribunal, ang Comelec at iba pang institusyon na nasangkot sa dayaan. Ipanawagan natin ang isang Kongreso na bubuuin ng mga kinatawan ng mga organisasyong masa sa iba’t ibang rehiyon at probinsiya na siyang magpaplano sa nararapat na mga pagbabago at maghahanda para sa tunay na demokratikong eleksyon.

 

8. Ito lamang ang titiyak na magkakaroon ng tunay na hustisya sa nadayang halalan.

 

9.  Kaya sa Mayo 9, isang unos ang abot-tanaw. Dapat nating sakyan ang bagyo, at mas mainam, dalhin ito tungo sa tunay na mga pagbabagong kailangan ng mamamayan. #

Last Updated on Saturday, 30 April 2016 10:38
 

Announcements

plm_poster_congress_copy


Join the Campaigns!

 

anti-trpo icon

Anti Trapo Campaign!

 

Government of the Masses Campaign! icon

Government of the Masses Campaign!


Socialist_Feminism_Cover
Renewing Socialist Feminism

 

Visitors Counter

mod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_countermod_vvisit_counter
mod_vvisit_counterToday885
mod_vvisit_counterThis month16948

Your IP: 54.225.20.19
,
Today: Aug 17, 2017